MANILA, Philippines – Hindi papayag si Senate President Alan Peter Cayetano na maging “puppet Senate President” sa gitna ng ilang taon nang “concerted effort” na pahinain ang institusyon upang kontrolin ang impeachment, pambansang budget, charter change, at demokrasya ng bansa.
Sa isang press conference kamakailan, sinabi ni Cayetano na handa siyang makipagtulungan sa Executive at Judiciary pero hindi siya papayag na isuko ang independence ng Senado.
“The Legislative, the Executive, and the Judiciary have to work together, but ’yung magsu-surrender ka or maging puppet Senate President ka, sorry hindi ko style ’yon,” diin niya.
Paliwanag ng Senate President, patuloy ang pagpuntirya sa Senado dahil ito ang natitirang “last line of defense” ng bansa sa mga kritikal na isyu.
“The Senate is a target because we are the last line of defense pagdating sa hindi impartial na impeachment, sa budget, sa Charter change, sa kung merong gustong yumurak sa ating democracy,” aniya.
Lahat aniya ng mga nangyayari ay karugtong lang ng mga pag-atake laban sa Senado simula pa 2023, noong naglutangan ang mga panukalang buwagin o baguhin ang kapulungan sa ilalim ng Charter change.
“I really believe that the events in the last few months were also intentional na ma-weaken ang Senate because bubuhayin ’yung Constitutional change, except this time around, regional Senate ang gusto nila,” wika niya.
Matatandaang uminit ang usapin ng Charter change noong 2023 at 2024, kabilang ang panukalang unicameral-parliamentary system, regional senators, at People’s Initiative na kinuwestyon ng mga senador dahil posibleng pahinain ang boto ng Senado bilang hiwalay na kapulungan.
“I don’t take it against anyone for thinking of political reforms. Pero naghihirap ang tao eh, whether you talk about electricity, prices of medicine, rice. Doon muna sana,” pahayag ni Cayetano.
Naniniwala rin ang Senate President na lahat ng kaguluhang naganap mula nang maupo siya ay bahagi ng isang “concerted effort” para alisin siya sa puwesto at palitan ng ibang senador na mas madaling “kontrolin.”
“For me, it’s a concerted effort from day one to get me out because they want someone they can control,” aniya.
Nanindigan siyang poprotektahan ang kalayaan ng Senado habang patuloy na nakikipagtulungan sa ibang sangay ng pamahalaan.
“The only thing I promise is I follow God,” pahayag niya. “Collaboration is OK, pero y’ung sunod-sunuran kami sa inyo at hawak niyo kami sa leeg, hindi pwede ’yon.”
“Hindi niyo natibag ang Senado. Under Alan Cayetano, hindi niyo natibag ang Senado,” dagdag niya. “Now kung papalitan ako, sana hindi matibag ang Senado.”