Home OPINION DIBORSYO SA PINAS OKS LANG BA?

DIBORSYO SA PINAS OKS LANG BA?

MULING nagpasa ang Kamara ng panukalang batas para sa absolute divorce o ganap na diborsyo na magbubunga ng karapatang muling makapag-asawa ng iba ang diborsyado.

Pero sa Senado, binubuhay pa lang ang naghihingalong katapat na panukala at walang nakatitiyak kung aprub din sa kanila ito.

Meron na tayong mga batas, brad, para sa paghihiwalay gaya ng legal separation, pero walang karapatang makapag-asawa ng iba ang isa’t isa.

May annulment din na magbubunga ng karapatang maikasal muli sa iba ang pinagkalooban nito.

Ano nga ba meron ang panukalang nasabing diborsyo?

Magandang alamin siguro muna ang mga batayan para rito gaya ng psychological incapacity, kawalan ng pagkakasundo sa mga pagkakaiba, pang-aabuso sa asawa, pagiging transgender at paghihiwalay sa loob ng limang taon.

Kasama sa psychological incapacity ang pag-ayaw na makipag-something sa asawa at isang dahilan din para sa annulment.

Pupwede ring batayan sa diborsyo ang mga batayan sa legal separation gaya ng pagpilit na magbago ng relihiyon ang asawa, pagkakakulong ng 6 taon sa krimen, pagiging adik sa droga, sugal o alak, pangangaliwa, tangkang pagpatay, pang-iiwan sa loob ng isang taon at pagtulak sa prostitusyon.

Kasama ring batayan sa diborsyo ang iba pang batayan sa annulment gaya ng kawalan ng pahintulot ng magulang sa kasal; pagiging baliw; pandaraya, pamumuwersa at ‘di makatwirang panunulsol sa kasal; patay na manoy; at pagkakaroon ng nakahahawang sakit sa sex.

Pero hindi pupwede ang diborsyong quickie na kasal sa umaga at diborsyo sa hapon, walang dahilan o pararaanin sa e-mail o notario publiko.

Dapat umanong dumaan sa husgado ang diborsyo para hindi maabuso ang hiwalayan.

MAGKANO?

Ito ang malaking problema, lalo na sa parte ng mahihirap, dahil kung daraan sa husgado, lalamunin lang ng mga abogado maging ang isusubong pagkain ng gustong makipagdiborsyo…na mga babae pa naman ang karamihan.

Maliban lang kung pupwede silang magpaayuda nang libre kay Public Attorney’s Office Persida Acosta.

Walang solusyon sa problemang ito ang panukalang batas.