MANILA, Philippines — Posibleng sumipa ng ₱10.50 hanggang ₱11 kada litro ang presyo ng diesel sa susunod na linggo habang tinatayang ₱4.50 hanggang ₱5 kada litro naman ang maaaring idagdag sa gasolina, batay sa pagtaya ng oil industry sources.
Ayon sa Department of Energy (DOE), patuloy na tumataas ang presyo ng langis sa international market bunsod ng tensyon at problema sa suplay sa Middle East.
Kung magpapatuloy ang kasalukuyang galaw ng pandaigdigang presyo, ito na ang ikatlong sunod na linggo ng malakihang oil price hike.
Nitóng Setyembre 15, tumaas na ng ₱5.68 kada litro ang gasolina, ₱4.31 ang diesel at ₱4.62 ang kerosene, ayon sa DOE.
Samantala, kinumpirma ng DOE na umabot sa $99.41 kada bariles ang isang buwang average ng Dubai crude mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, mas mataas sa $80 threshold na nakasaad sa batas para maaaring ikonsidera ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa petroleum products.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12316, maaaring suspindihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa fuel sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee, katuwang ang kalihim ng Energy, kapag natugunan ang itinakdang oil-price threshold. Dave Medina