Home METRO Digong Duterte maaaring sumailalim sa treatment kung “unfit to stand trial”

Digong Duterte maaaring sumailalim sa treatment kung “unfit to stand trial”

278
0

MANILA, Philippines – Maaaring sumailalim sa paggamot si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung kinakailangan, sakaling makita ng mga eksperto na hindi siya karapat-dapat na humarap sa International Criminal Court, ayon kay Atty. Kristina Conti.

Ang Pre-Trial Chamber ng ICC ay nag-utos kamakailan ng isang medikal na pagsusuri kay Duterte upang matukoy ang kanyang kakayahang lumahok sa mga paglilitis sa pre-trial, kabilang ang pagkumpirma ng mga kaso.

Ang medical panel ay binubuo ng isang forensic psychiatrist, isang neuropsychologist, at isang geriatric at behavioral neurologist. Inaasahang isusumite nila ang kanilang ulat sa Oktubre 31.

Kung mapatunayang hindi karapat-dapat, sinabi ni Conti na mananatili si Duterte sa kustodiya ng ICC at susuriin ang kanyang kaso tuwing 120 araw.

“He could go to treatment,” ayon sa ICC Assistant to Counsel.

“Tinatanong nga ang mga eksperto ano ba ang kundisyon nya ngayon? May kontribusyon ba ang edad? Mayroon bang pwedeng iadjust sa kanyang kundisyon para gumaan ang sitwasyon? Kumbaga kung ‘di makapunta sa hearing, ano bang rekomendasyon?”

Sinabi ni Conti na ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni Duterte ay naghihintay sa pagusad ng kaso.

“Ito ang isa sa mga worst case scenario ng mga biktima ng war on drugs. Dahil nabibinbin tayo dahil sa kalagayan ng isang tao,” aniya.

“Para sa amin mahalaga na healthy ang respondent bilang pagkilala n’ya rin sa due process… Kung unfit to stand trial siya, e para tayong nasa purgatoryo.”

Ngunit sinabi ni Conti na ang kumpirmasyon ng mga kaso ay maaaring magpatuloy kahit na wala ang dating pangulo.

“Ang confirmation of charges, hindi pa ito trial… p’wede itong matuloy kahit hindi present ang akusado… aayusin pa lang ang sakdal at paguusapan pa lang ang mga legal na bagay. Ang kausap dito ay abogado, so as long as (Atty. Nicholas) Kaufman is fit and ready kumbaga. Ngayon palang pwede nang matuloy ang confirmation hearing,” paliwanag niya.

Kung huminto ang kaso, maaaring ma-reschedule ang kumpirmasyon sa Enero 2026, aniya. Ito ay magpapahaba sa pananatili ni Duterte sa detensyon.

“Magbebreak kasi ang court, from Dec. 5 yata to Jan 12. So para sa akin realistic maadjust ang confirmation of charges sa January, basta 2026,” saad ni Conti. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here