MANILA, Philippine – IGINIIT ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi umano nito alam ang dahilan kung bakit tila ginigisa ng kamara sa pamamagitan ng Quad Comm ang kanilang pamilya.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Duterte na kakausapin nito ang kanyang anak at kasalukuyang Bise Presidente ng bansa na si Sara Duterte hinggil sa mga akusasyon na ibinabato sa kanila.
Paniwala ng dating pangulo na ang motibo umano sa mga akusasyong ibinabato sa mga Duterte ay sa pag-aakalang tatakbo bilang Presidente sa darating na 2028 Presidential election si Sara Duterte.
Tahasang sinabi ni Duterte na ayaw nitong patakbuhin sa pagka-Pangulo ng bansa ang kanyang anak dahil napagdaanan na niya umano ito at wala umano itong makukuha dito.
“Ayaw ko talaga, wala ka makukuha diyan, magtaranaho ka. Kulang pa sa sweldo mo yan. Maghanap ka ng negosyo, let it grow,” ayon kay Duterte patungkol sa kanyang anak na si Sara.
Hiningan din si Duterte ng reaksyon hinggil sa naunang pahayag ng kanyang anak na si Sara makaraang sabihin nito na ipahuhukay nito sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng namayapang si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr., na ipinalibing ng kanyang ama noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang pangulo ng bansa, at ipatatapon umano niya ito sa Weat Philippine Sea.
“Tatlo ang anak ko, isang babae at dalawang lalaki. Nakakuha ng ugali ko na bastos si Sara. Hyperbole lang yun kaya niya nasabi yun. Noong presidente ako ganyan din ako pero istorya lang yun,” ani Duterte.
Kaugnay nito, hindi naman umano sang-ayon si Duterte sa tinuran ng kanyang anak.
“I disagree with my daughter, baka kulang sa expectations, siguro dahil ang role model niya ay ang tatay niya,” ani Duterte.
“Pero itong ating President, I know in my heart nagtatrabaho yung tao. Kaya lang siguro yung estimation, ito kase soft spoken e pero pareho lang kami,” dagdag pa ng dating Pangulo. RNT