Home HOME BANNER STORY Digong: Wala akong planong tumakbong senador

Digong: Wala akong planong tumakbong senador

MANILA, Philippines – ITINANGGI ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na may plano siya at ang kanyang dalawang anak na sina Davao City 1st District Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte at Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte an sumabak sa Senatorial elections sa susunod na taon.

Matatandaang, mismong si Vice President Sara Duterte ang nagbigay kompirmasyon sa harap ng mga local media pagkatapos dumalo sa isang aktibidad alinsunod sa PRIDE MONTH celebration na isinagawa ng hotel ng Cagayan de Oro noong nakaraang linggo.

Sinabi ni VP Sara na ang kanyang ina di umano na si Gng. Elizabeth Zimmerman ang nagsabi sa kanya ng bagay na ito.

“Maniwala kayo kay Inday? I-jamming ka niyan nang husto…Saan ka nakakita, tatay dalawang anak magtakbo [sa Senado]… Wag kayong kumagat kay Inday kasi ‘yan si Inday kagaya ko rin ‘yan,” ang sinabi ni Digong Duterte sa mga mamamahayag sa Tacloban City, Araw ng Linggo.

“Anong gagawin namin sa Senate…Anong gagawin namin doon?” tanong ni Digong Duterte.

Inamin ni dating Pangulong Duterte na hindi na siya babalik ng politika.

“Tapos na po ako. Laos na ako. Wala na akong panggastos, wala na lahat. Ang naiwan sa akin siguro yabang,” anito.

Samantala, sinabi ni Digong Duterte na hindi niya alam ang dahilan ng kanyang anak na si VP Sara sa ginawa nitong pagbibitiw bilang Kalihim ng Department of Education at Vice Chairperson of the NTF Elcac noong Hunyo 19, 2024.

“I really don’t know the reason, I don’ t talk to my daughter… Sara has her own mind, we do not talk ganito sa trabaho niya. May distansya kami ni Sara,” ayon sa dating Pangulo. Kris Jose