Home NATIONWIDE DPWH, ‘sinisisi’ sa paglobo ng gastusin ng New Senate Building

DPWH, ‘sinisisi’ sa paglobo ng gastusin ng New Senate Building

Nagtalo sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa P21.7B project para sa bagong Senate building. CESAR MORALES

Mistulang sinisisi ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa paglobo ng gastusin sa pagtatayo ng New Senate Building (NSB) dahil sa kawalan ng koordinasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, chairman ng Senate committee on accounts na sumusuri sa gastusin ng NSB na maiiwasan sana ang pagtaas ng gastusin kung aktibong nakipag-ugnayan ang DPWH bago aprubahan ang Detailed Architectural and Engineering Design (DAED) ng proyekto.

“How could we have avoided those revisions? Kasi looking back at all these papers na ibinigay ninyo sa opisina ko, avoidable ang mga ito,” ani Cayetano sa DPWH sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Accounts noong June 3, 2024 hinggil sa pagsusuri sa NSB.

Bilang chair ng Committee on Accounts, iginiit ni Cayetano na ang pagsusuri sa konstruksyon ng NSB ay may layunin na magkaroon ng malinaw na completion date, costs at design na maaasahan ng Senado at publiko.

Inihayag ni Cayetano na maaaring maiwasan ang paglobo ng gastusin sa konstruksyon kung tumupad ang DPWH, project manager ng NSB, sa “standard procedure” ng pakikipag-ugnayan sa Senado bago aprubahan ang DAED ng gusali.

“Paano ka makakagawa ng DAED kung hindi mo naman kinakausap ‘yung mga gagamit ng building?” aniya.

“If you made all the revisions before DAED, may bayad ba ‘yan? Wala ‘di ba? Pero hindi ninyo kinausap ang Senado before DAED. Kinausap niyo after na, that’s why lumaki [ang gastos],” dagdag niya.

Sinabi ng DPWH na hindi nila “inaasahan” ang ilang design revision na naging sanhi ng dagdag na gastusin sa proyekto.

Ipinunto ni Cayetano na maaaring naiwasan ito kung nagkusa ang DPWH na pag-ugnayin ang Senado at Hilmarc’s Construction Corporation, kontraktor ng proyekto.

“Before DAED, wala kang redesign fees kasi nga wala pa ‘yung detailed design,” pahayag niya.

“Kaya tayo panay revision kasi pinag-usap ninyo ang Senate at ang contractor after na ng DAED,” dagdag niya.

Para mapabilis ang pagsusuri sa proyekto at mabuo na sa wakas ang “iconic and functional” na NSB, hinimok ni Cayetano ang DPWH na bumuo ng isang komite na magdedesisyon nang naaayon sa batas o protocol at tapusin na ang Revised Detailed Architectural and Engineering Design (RDAED) nito.

“Kung ano ang kulang na makakatulong sa amin para ma-desisyonan ito, i-submit [ninyo],” aniya.

Nagsagawa ng pagdinig ang komite hinggil sa NSB alinsunod sa kautusan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na rebyuhin ang gastusin na ginamit sa proyekto na tinatayang aabot sa P23 bilyon mula sa orihinal na P10 bilyon.

“We aim for the best quality at minimal cost—a symbol of the people’s voice and democracy. No one said na may anomalya, nagulat lang kami sa presyo and that’s why we’re reviewing this,” ani ni Cayetano.

Pinagsabihan din ni Cayetano ang DPWH sa pagbibigay ng maling impormasyon sa publiko hinggil sa estimated budgetary cost ng New Senate Building o NSB.

“You owe an apology to the Senate. Hindi naman po ako marunong mag-imbento nito. Hindi biro ito. Sa national news, parang sinasabi ninyo [DPWH] na nag-iimbento kami ni Senate President Escudero ng numero,” wika ni Cayetano sa pagdinig. Ernie Reyes