MANILA, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Dinagat Islands dahil sa lumalalang water crisis na nakaaapekto o naglalagay sa agarang panganib sa mahigit 18,000 residente.
Kinumpirma ng Provincial Government of Dinagat Islands na ipinatupad ang deklarasyon bunsod ng matinding kakulangan sa suplay ng tubig sa iba’t ibang komunidad sa lalawigan.
Nauna rito, inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang province-wide declaration matapos aprubahan ang Resolution No. 01-2026.
Batay sa assessment ng PDRRMC, ang matagal na dry conditions ay nagresulta sa pagbaba ng availability, accessibility at reliability ng potable at domestic water sources sa Dinagat Islands.
Tinatayang nasa 120,533 ang populasyon ng lalawigan, kung saan katumbas ng humigit-kumulang 18,080 katao ang 15-percent threshold na ginagamit sa state-of-calamity assessment.
Ayon sa PDRRMC, mahigit 18,000 Dinagatnons na ang apektado o nasa agarang panganib dahil sa humihinang water sources, interruptions sa serbisyo, mas mahabang oras at distansya sa pagkuha ng tubig, at lumalaking pagdepende sa water hauling at rationing.
Babala ng provincial government, hindi na simpleng seasonal inconvenience ang sitwasyon dahil maaari nitong maapektuhan ang kalusugan, sanitasyon, pagkain, kabuhayan at operasyon ng mahahalagang serbisyo.
Sa ilalim ng state of calamity, inaasahang mapabibilis ang mobilisasyon ng resources at pagpapatupad ng mga hakbang upang tugunan ang water shortage at maprotektahan ang mga komunidad.
Tututukan din ng pamahalaang panlalawigan ang food at livelihood security, partikular ng mga magsasaka at mangingisda na posibleng maapektuhan ng patuloy na kakulangan sa tubig. Mary Anne Sapico