MANILA, Philippines – Sinabi ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno na inaasahan ng House Committee on Justice na dadalo si Ramil Madriaga, isang self-confessed “bagman” ni Vice President Sara Duterte, sa impeachment hearing sa Abril 14 at itinuturing siyang isa sa mga mahalagang testigo sa kaso.
“Ayon sa mismong alegasyon ng mga complaint na sufficient in form and substance lumalabas na si Madriaga ang isa sa medyo pinakamahalagang testigo,” ani Diokno.
Dagdag niya, mahalagang marinig ang kanyang direktang testimonya sa ilalim ng panunumpa.
“Inaasahan natin na haharap siya doon. Papakinggan natin kung ano ba ang alam niya. Dapat under oath ‘yan para kapag lumalabas na siya ay nagsisinungaling, pwede siyang kasuhan ng perjury at kung ano-ano pang kaso,” aniya.
Iginiit din ni Diokno na hindi ito “fishing expedition” gaya ng paratang ng kampo ni VP Sara, at saklaw umano ito ng House rules at ng Konstitusyon.
“So far as far as we are concerned, ‘yung hearing sa Tuesday, tuloy na tuloy po ‘yan,” dagdag niya.
Sa panig naman ng kampo ni VP Sara, sinabi ng kanyang legal counsel na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na hindi nila itinuturing na banta ang testimonya ni Madriaga at tinawag pa nila itong “weakest link” ng kaso.
“…we’re not going to stop them from self-destructing their case by inviting Madriaga to testify,” ani Panelo.
Samantala, 17 indibidwal ang humiling sa Korte Suprema na pigilan ang impeachment proceedings laban sa Bise Presidente, kasabay ng naunang petisyon ni VP Sara para sa temporary restraining order (TRO).
Ayon sa mga petitioner, ang impeachment ay “unconstitutional” at maaaring magdulot ng “miscarriage of justice.”
Sinabi naman ng constitutional law expert na si Atty. Domingo Cayosa na tila humihingi ng tulong muli sa Korte Suprema ang kampo ni VP Sara matapos ang naunang desisyon ng SC noong 2025 na nagdeklara ng unconstitutional ang naunang articles of impeachment dahil sa one-year rule at due process issues.
Dahil dito, na-archive ang impeachment articles sa Senado matapos ang botohan. RNT/MND