
MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Senadora Pia Cayetano ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon ngayong Huwebes, Enero 16, sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kawalan ng kakayahan ng Department of Trade and Industry (DTI) upang epektibong ma-regulate ang mga vape products ayon sa probisyon ng Vape Law.

Ang nasabing pagdinig ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations (Blue Ribbon) ay nakatuon sa partisipasyon ng Pilipinas sa WHO FCTC COP10, kung saan natanggap ng bansa ang 5th Dirty Ashtray Award.
Iginiit din sa nasabing pagdinig ang mga pangunahing isyu tungkol sa Vape Law ng bansa at ang mga tungkulin ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), at Food and Drug Administration (FDA) sa pagpapatupad nito.
Nabatid na ang DTI ay kulang sa kadalubhasaan at kapasidad na ganap na i-regulate ang kaligtasan ng vape, partikular sa pagsubok ng chemical content, hindi tulad ng FDA, na mayroong mga kinakailangang propesyonal.
Binigyang-diin ng komite na dapat magkaroon ng mas matibay na paninindigan ang gobyerno sa darating na COP11 sa Nobyembre, hindi kasama ang mga ahensyang may kaugnayan sa industriya ng tabako upang unahin ang kalusugan ng publiko. Ang delegasyon ay dapat pangunahan ng DOH upang matiyak na ang mga interes ng pampublikong kalusugan ay protektado.
