Home NATIONWIDE Disaster preparedness program ng LGUs, gustong palakasin ng solon

Disaster preparedness program ng LGUs, gustong palakasin ng solon

Nais ni Senador Win Gatchalian na palakasin ng local government units ang kani-kanilang disaster preparedness programs upang makatulong sa pagpapanatili ng pag-unlad ng ekonomiya sa nasasakupan.

“Anumang anyo ng kalamidad, natural man o hindi, ay nagpapabagal sa pag-unlad ng ekonomiya sa anumang lugar kaya’t kinakailangan na palakasin ng mga LGU ang kanilang kapasidad upang makapaghanda sa anumang sakuna,” ani Gatchalian.

Personal na susuriin ni Gatchalian ang kalagayan ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Badjao Street, Dalahican sa lungsod ng Cavite sa kanyang pagbisita ngayong araw.

Ayon sa senador, labis na nakakalungkot ang mga insidente ng sunog dahil ang mga ganitong sakuna ay maaaring iwasan. Isang malaking sunog ang naganap sa Barangay 5 at Barangay 7 sa naturang lungsod noong Hulyo 14 na naging dahilan ng paglikas ng 718 pamilya.

Sako-sakong bigas din ang ipamimigay ni Gatchalian sa mga pamilyang lumikas sa Cavite dulot ng nagdaang Bagyong Carina. Naiulat na umabot sa 1,309 ang mga apektadong pamilya.

Ang Senate Bill No. 939 o Act Expanding The Application Of The Local Disaster Risk Reduction And Management Fund, na inihain ni Gatchalian, ay naglalayong amyendahan ang Republic Act 10121 o The Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Ayon sa senador, ang pagsasabatas nito ay magbibigay sa mga LGU ng higit na kakayahan na magpatupad ng mga proyektong magpapalakas sa kanilang disaster preparedness, mitigation, response, at rehabilitation capabilities.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga pagsisikap para sa isang disaster-mitigation ay magiging mas epektibo kung ang mga LGU ay may sapat na pondo para magpatupad ng mga lokal na proyektong pang-imprastraktura na dinisenyo upang protektahan ang kanilang mga nasasakupan laban sa mga sakuna.

“Kailangan nating pag-ibayuhin ang ating mga information drive upang maiwasan ang anumang sakuna para sa ating kaligtasan,” aniya. Ernie Reyes