MANILA, Philippines- Inihayag ni Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) Dakila “Dax’’ Cua ang buong suporta sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa local government units (LGUs) na tutukan at gawing prayoridad ang kanilang disaster response efforts sa mga malalayong lugar na labis na apektado ni bagyong Carina.
“Local government units, being on the front lines of disaster management, are continuously working to address immediate needs and are coordinating with national agencies to ensure efficient and effective relief operations,’’ pahayag ni Cua.
Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) ang malaking pinsala mula sa pananalasa ni bagyong Carina, kabilang ang pagkasira ng mga kalsada at tulay, na nagresulta sa ilang hamon sa pagpunta sa ilang lugar.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan para sa “targeted interventions,” partikular sa mga kalsadang hindi pa rin madaanan dahil sa landslide at pagbaha.
Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na makipag-ugnayan sa kaukulang LGUs upang isaayos ang mga daan at ibalik ang connectivity. RNT/SA