MANILA, Philippines – Inihalintulad ni private prosecutor Lorna Kapunan kay Superman ang special disbursing officer ni Vice President Sara Duterte sa pagtatanong nito sa prosecution witness kung paano nito magawang mai-disburse ang confidential funds sa iba’t ibang probinsya sa loob lamang ng isang araw.
Si Duterte ay nagsilbing education secretary hanggang Hunyo 2024.
“Kung hindi naman, kasi nung binabasa ko ito, kasi ako Marvel Comics ang binabasa ko. Superman ang favorite. Kung hindi man ang Superman ang isang SDO, kaya ba nyang puntahan sa palagay mo ang lahat na ito?” tanong ni Kapunan kay prosecution witness Xylene del Campo.
Ang SDO ni Duterte nang siya ay nasa DepEd ay si Edward Fajarda, ayon sa witness.
Bilang auditor ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng Commission on Audit, sinusuri ni del Campo ang mga dokumentong ipinapasa ng DepEd at Office of the Vice President kaugnay sa disbursements ng confidential funds ng kanyang mga opisina.
Sa kabila nito ay sinabi ng defense lawyer na si Atty. Kristine Ferrer na ang tanong ni Kapunan ay speculative.
“What is speculative about Superman? He can fly anywhere in one day,” giit ng prosecutor.
Dito na ipinag-utos ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero ang mga ito na mag-move on na, na tinanggap naman ni Kapunan ngunit hiniling na huwag alisin sa rekord ang pahayag nito patungkol kay Superman.
“We did not strike it off, counsel. The presiding officer simply asked you to move on,” ayon naman kay Escudero.
Bago nito ay ipinresenta ni Kapunan ang ilang acknowledgement receipts mula sa DepEd na nagpapakitang ang confidential funds ay naibigay sa mga recipient sa kaparehong araw ngunit sa iba’t ibang lokasyon.
Pitong receipts ang nagpakita na ang mga payment ay ginawa sa Danao, Malolos, Davao City, Negros Occidental, Agusan del Sur, Makati City, at Negros Oriental noong Pebrero 21, 2023.
Mayroon namang 18 disbursements ang isinagawa noong Pebrero 25, 2023 sa Masbate, Laoag City, Davao City, Agusan del Norte, Olongapo, Samar, Loboc, Pangasinan, Compostela Valley, Nueva Ecija, Koronadal City, Batangas City, Kalingao, Apayao, South Leyte, at Abra.
Sa kabilang banda ay may 21 payments naman ang ibinigay sa mga recipient sa Davao City, Tandag, Puerto Galera, Laguna, Agusan del Norte, Olongapo, Zamboanga City, Butuan City, Dasmariñas, Cavite, Surigao del Norte, Quezon City, Bacoor, Iligan City, Tarlac, Pasay City, Calbayog, Samar, Compostela Valley, San Juan City, at Aguinaldo, Ifugao na lahat ay may petsang Marso 15, 2023. RNT/JGC