Home NATIONWIDE Discriminatory remarks ‘di nauuri bilang negative campaigning – Comelec

Discriminatory remarks ‘di nauuri bilang negative campaigning – Comelec

MANILA, Philippines – Sa gitna ng kontrobersyal na komento ng ilang mga kandidato ngayong May 12 elections, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ang discriminatory remarks ay hindi nauuri bilang negatibong pangangampanya.

Ito ang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia nang tanungin kung ipinagbabawal na ang negative campaigning dahil sa implementasyon ng Comelec Resolution No. 11116 o ang Anti-discriminatory and Fair Campaigning guidelines para sa 2025 elections.

Muling iginiit ni Garcia na ang negatibong pangangampanya ay pinahihintulutan ng Omnibus Election Code ngunit maaari itong managot sa iba pang mga batas, tulad ng libel o cyberlibel.

Ang Fair Elections Act ay nagpapahintulot sa paglalathala ng propaganda na nagpapahayag ng suporta para o laban sa isang kandidato o partidong pampulitika.

Sinabi ni Garcia na ang pagkontra sa argumento ng isang kalaban na may katotohanan ay isang halimbawa ng negatibong pangangampanya.

Ayon pa kay Garcia, ang Comelec ay may obligasyon na magpatupad ng iba pang mga batas sa pamamagitan ng pagsasama sa mga ito sa anti-discriminatory guidelines.

Dagdag pa ni Garcia na ang poll body ay makikialam lamang kapag ang isang pulitikal o nilalamang nangangampanya ay maaaring makapinsala sa iba.

Naglabas na ng show cause order ang poll body sa limang lokal na kandidato para sa kanilang mga pahayag na maaaring lumabag sa Comelec Resolution No. 11116. Jocelyn Tabangcura-Domenden