Home METRO Distribusyon ng motorcycle plates umarangkada sa mga barangay

Distribusyon ng motorcycle plates umarangkada sa mga barangay

MANILA, Philippines- Nakumpleto na ng Land Transportation Office (LTO) ang pamamahagi ng vehicle plates sa mahigit 24,000 pampasaherong tricycle sa Quezon City sa pakikipagtulungan sa mga barangay sa lungsod na nagsilbing distribution network.

Pinangunahan ni LTO chief Vigor Mendoza II, kasama sina Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto ang pamamahagi ng natitirang license plates sa tricycle operators na ilang taon nang naghihintay.

Sinabi ni Mendoza na dahil lahat ng pampasaherong tricycle sa Quezon City ay mayroon nang plaka, mapadadali umano nito ang pagtukoy sa kanila mula sa mga “colorum.”

Anang opisyal, isasagawa rin ito ng LTO sa ibang mga barangay sa bansa sa mga susunod na araw.

“The LTO will go down to the barangays across the country to distribute the license plates for motorcycles, most especially tricycles, because these are being used as a source of livelihood for many of our countrymen. This is an order from the President, and the LTO will obey this,” ani Mendoza.

Nang magsimula ang Marcos administration noong July 2022, inihayag ni Mendoza na ang LTO ay mayroong 12.5 milyong backlog sa license plates—9.1 milyon para sa motorsiklo, at 3.4 milyon para sa four-wheel vehicles.

Inumpisahan ng LTO ang paggawa ng 1 milyong plaka kada buwan mula sa huling bahagi ng 2023, na nagresulta sa pagtugon ng LTO sa isyu ng license plates ng four-wheel vehicles sa pagpasok ng taon.

“We have no more backlog for license plates of four-wheel vehicles. And President Marcos ordered us to finish the backlog for motorcycle license plates by June 2025. And we are on the right track in doing this,” patuloy ni Mendoza. RNT/SA