Home HOME BANNER STORY State of calamity idineklara sa Lucena City sa hagupit ni Aghon

State of calamity idineklara sa Lucena City sa hagupit ni Aghon

LUCENA CITY- Nagdeklara ang Lucena City government ng state of calamity nitong Lunes, Mayo 27, dahil sa malawakang pinsalang dulot ni Severe Tropical Storm Aghon (international name: Ewiniar), na tumama sa lokalidad nitong Linggo.

Inanunsyo ito ng Public Information Office (PIO) nitong Lunes ng umaga subalit hindi nagbigay ng detalye.

Humagupit si Aghon sa lalawigan ng Quezon nitong Linggo at nagdulot ng baha sa maaming lugar, kung saan lumubog ang ilang kabahayan, partikular sa lungsod na ito.

Nagresulta rin ito sa paglikas ng 1,250 pamilya na binubuo ng 5,607 indibidwal mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

Kasalukuyang nananatili ang evacuees sa mga paaralan, barangay hall, at evacuation centers.

Binibigyang-awtoridad ng pagdeklara ng state of calamity na magamit ng local governments ang kanilang calamity funds, at makokontrol din ang presyo ng mga bilihin sa mga saklaw na lugar.

Sinuspinde ni Gov. Angelina Tan, sa Memorandum Circular DHT-03 na inisyu nitong Linggo, ang klase sa lahat ng lebel sa lalawigan, kasama ang Tayabas City at Lucena City.

Ipinag-utos din niya ang suspensyon ng trabaho sa government offices. RNT/SA