Home NATIONWIDE DMW: Mga Pinoy ligtas sa Japan quake

DMW: Mga Pinoy ligtas sa Japan quake

MANILA, Philippines- Walang nasaktan o nasawi na mga Filipino sa magnitude 6 na lindol sa tumama sa Japan nitong Huwebes, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Batay ang ulat sa labor attache ng Pilipinas sa Japan, kung saan inilahad ni DMW officer-in-charge Hans Cacdac na ang lindol ay hindi kasing tindi ng iniulat sa media base sa karanasan ng mga tao roon.

Gayunman, iginiit ni Cacdac na hindi isinasantabi ng DMW ang posibilidad na isang Pilipino ang naapektuhan ng lindol at nangakong patuloy na susubaybayan ang sitwasyon.

Nauna nang iniulat ng DMW na ang epicenter ng lindol ay natunton sa baybayin ng Fukushima Prefecture sa hilagang-silangang bahagi ng Honshu, ang pangunahing isla ng Japan.

Sinabi ng DMW na agad nitong isinaaktibo ang protocols para sa kaligtasan at estado ng mga overseas Filipino worker sa mga apektadong lugar kasunod ng lindol.

Sinabi ng Japan Meteorological Agency na ang magnitude 6 na lindol ay yumanig sa rehiyon ng Fukushima ngunit walang tsunami warning na inilabas. Jocelyn Tabangcura-Domenden