Home OPINION DO NOT BEND…

DO NOT BEND…

185
0

DALAWANG magkasunod na bagyo ang tumama sa Pinas nitong nakalipas na mga araw na nauwi pa sa deklarasyon ng National State of Calamity sa loob ng isang taon.

Ipinatupad ng gobyerno ang ‘standards’ o pamantayan patungkol sa paghahanda nito tuwing may paparating na bagyo tulad lamang nitong sina Bagyong Tino at Uwan masiguro lamang ang kaligtasan ng ating mga kababayan subalit umani pa rin ng batikos.

Mayroon pang gobernador ang nagsawa na [yata] sa paghahanda kaya ipinunto nito na ‘chill chill lang’ nang batikusin pa niya ang paraan ng pagsasagawa ng anunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

May mga komento rin sa maagang pagpapatigil ng biyahe ng mga barko batay na rin sa anunsiyo ng PAGASA na ginawa nang basehan ng Philippine Coast Guard maging ng mga Mayor o Gobernador sa pagsuspinde ng klase o trabaho.

Tandaan natin na bago humantong sa ganitong pamantayan ang gobyerno ay dumaan tayo sa malupit na resulta ng hagupit ng bagyo dahil sa kakulangan sa paghahanda tulad ng Bagyong Ondoy at ang malupit sa lahat na Bagyong Yolanda.

Sa mga lalawigan naman na mayroong pantalan ay gusto ng mga pasahero na na manatili sa loob ng tinatawag na Passenger Terminal Building (PTB) na nakaharap mismo sa dagat na kadalasan ay kinukunsinte ng mga ungas na politiko.

Ipinipilit itong gawin ng gobyerno sa kabila ng katotohanan na hindi ligtas ang pantalan kapag may bagyo tulad nina Tino at Uwan lalo na kung ang pantalan ay naitayo sa panahon na wala pang epekto ang tinatawag na ‘Climate Change’.

Ang ‘standard elevation’ na ipinatupad noong araw ay 2.5 metro batay sa Mean Lower Low Water o ito yung average ng dalawang low tides ng dagat subalit dahil sa pagtaas ng tubig-dagat ay itinaas ang pamantayan sa paggawa ng pantalan.

Mula 2.5 metro ay ginawa nang 3.1 metro para sa domestic vessels habang 4.2 metro ang dapat taas nito mula sa lebel ng dagat kung foreign vessels bilang tugon sa pagbabago na hatid ng Climate Change sa buong mundo.

Pero kung hindi ganito ang taas ng mga pier ay pihadong peligro ang aabutin ng mga pasahero sa loob ng pantalan kapag may bagyo. Sasampa at papasok ang nagagalit na tubig-dagat na may bitbit pang mga nakasusugat o nakamamatay na mga basura tulad ng troso lalo kung may ‘storm surge’.

Kaya hindi dapat balat-sibuyas ang gobyerno! Ika nga ay ‘do not bend the standards’ kapag may banta ng kalamidad. Huwag yumuko sa mga batikos kahit sabihin pa na ‘Over Acting’ ang gobyerno basta masigurong hindi na mauulit ang kapalpakan noong Bagyong Yolanda.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here