Home HOME BANNER STORY DOE, naghahanda ng legal na aksyon vs 114 gasolinahan na ‘di sumunod...

DOE, naghahanda ng legal na aksyon vs 114 gasolinahan na ‘di sumunod sa rollback

4
0

MANILA, Philippines — Posibleng maharap sa legal na aksyon ang 114 gasolinahan sa buong bansa matapos matuklasan ng Department of Energy (DOE) na hindi ganap na naipatupad ng mga ito ang malaking bawas-presyo sa petrolyo noong nakaraang linggo.

Ayon kay DOE-Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad, natukoy ang mga gasolinahan matapos magsagawa ng inspeksiyon sa 213 establisimyento mula Nobyembre 10 hanggang 13.

Nabatid na hindi nasunod sa ilang gasolinahan ang buong ₱16.80 kada litrong rollback sa gasolina na ipinatupad noong Nobyembre 10.

Sinabi ni Abad na naipasa na sa legal department ng DOE ang mga resulta ng inspeksiyon upang matukoy ang nararapat na aksyon laban sa mga gasolinahang hindi sumunod.

Kabilang sa mga posibleng parusa sa ilalim ng mga naaangkop na batas ang multang ₱50,000 hanggang ₱300,000 at pagkakakulong ng tatlong buwan hanggang isang taon, depende sa mapatutunayang paglabag.

Maaari ring patawan ng administratibong parusa ang mga gasolinahan, kabilang ang suspensiyon ng kanilang lisensiya.

Paliwanag ng ilang retailer, mas mataas ang presyong pinagbilhan nila ng kanilang supply noong nakaraang linggo kaya hindi agad naibigay ang buong rollback sa mga motorista.

Gayunman, iginiit ng DOE na dapat ding makinabang ang mga mamimili sa pagbaba ng presyo ng petrolyo.

Patuloy naman ang monitoring ng ahensiya upang matiyak na naipatutupad ang mga itinakdang price adjustments sa mga gasolinahan. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here