Home NATIONWIDE DOE target magtayo ng oil reserve; humiling ng mas mahigpit na kapangyarihan...

DOE target magtayo ng oil reserve; humiling ng mas mahigpit na kapangyarihan vs hoarding

1
0

MANILA, Philippines – Plano ng pamahalaan na magtayo ng hindi bababa sa isang oil reserve storage bago matapos ang 2027 o sa unang bahagi ng 2028 upang mabawasan ang epekto ng kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na aabutin ng humigit-kumulang isang taon ang pagtatayo ng pasilidad.

Aniya, “Yes sir, that’s the plan. We’re actually doing the calendars na and hopefully last quarter of 2027 or first quarter of 2028.”

Tinatayang aabot sa P5 bilyon ang gastos sa pagtatayo ng imbakan para sa isang milyong bariles ng langis. Ayon kay Garin, nakikipag-usap na ang Philippine National Oil Company at Department of Energy (DOE) sa Maharlika Investment Corp. para sa proyekto.

Kasabay nito, hiniling din ng DOE sa Senado na bigyan ito ng mas malinaw na kapangyarihan laban sa oil hoarding.

Ipinaliwanag ni Garin na kulang ang kapangyarihan ng DOE sa ilalim ng kasalukuyang Oil Deregulation Law kaya kailangan pa nilang makipag-ugnayan sa PNP, DTI, DOJ, at iba pang ahensya upang maaksyunan ang mga kaso ng hoarding.

Sinabi naman ni Sen. Erwin Tulfo na limitado ang kakayahan ng gobyerno na protektahan ang mga mamimili kung may kumpanyang nagtatago ng suplay ng langis upang maimpluwensyahan ang presyo.

Sa panukala ng DOE, papatawan ng multang P250,000 hanggang P500,000 o pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon ang mga oil trader na mapatutunayang nag-ho-hoard ng langis. Ang mga consumer naman na mapatutunayang nag-iimbak nang labis ay maaaring pagmultahin ng P10,000 hanggang P100,000 at makulong nang hanggang anim na buwan.

Kasama rin sa panukala ang pagbibigay sa DOE ng kapangyarihang magsuspinde o magbawi ng mga permit at humingi ng mas detalyadong ulat tungkol sa presyo at imbentaryo ng langis.

Ayon kay Garin, bagama’t naging mahalaga ang Oil Deregulation Law noong 1998, kailangan na itong muling suriin dahil sa nagbabagong kalagayan ng industriya at pandaigdigang merkado ng langis. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here