MANILA, Philippines – Humiling ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) ng 2,000 doses ng bakuna na makakatulong sa Pilipinas na labanan ang lumalalang banta ng mpox.
Ngunit paglilinaw ni Health Secretary Ted Herbosa sa Teleradyo Serbisyo na hindi humihingi ng agarang pamamahagi ang DOH dahil may mga bansang higit na nangangailangan ng mga ito.
“Nanghingi na ako. I have about 2,000 doses coming from our share sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations), sa WHO and may proseso iyan ,” sabi ni Herbosa.
Ang tinutukoy ng kalihim ay ang cowpox vaccine na ginagamit laban sa small pox virus na ginagamit din para sa mpox sa ibang bansa.
Sinabi ni Herbosa, na dumalo sa isang hybrid-format na WHO briefing sa global mpox situation noong Biyernes, na hahayaan muna ng Pilipinas na maipamahagi ang mga bakuna sa Africa, kung saan ang MPXV clade I, na mas malamang na magdulot ng malubhang sakit at kamatayan, ay naobserbahan.
Ayon kay Herbosa, kaunti lang ang bakuna kaya ibubuhos muna sa Africa para ma-contain ang outbreak doon.
Ang mpox ay sanhi ng MPXV species ng orthopoxvirus genus, na unang natuklasan sa mga laboratory primates sa Denmark noong 1958 at kalaunan ay unang naobserbahan sa mga tao noong 1970.
Mayroong dalawang pangunahing grupo ng MPXV na tinatawag na clades.
Ang MPXV clade I, ang variant na nagdudulot ng mga pagkamatay, ay naobserbahan pangunahin sa Congo basin (Central Africa), habang ang mas banayad na MPXV clade II ay nakita sa Pilipinas.
Sa ngayon ay naiulat na ng Pilipinas ang kabuuang 10 kaso ng mpox mula noong 2023.
Ang isang taong nahawaan ng mpox ay nagkakaroon ng mga sintomas sa pagitan ng dalawa at 19 araw pagkatapos ng pagkakalantad, tulad ng mga pantal at mga kondisyong tulad ng trangkaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden