Home NATIONWIDE DOH nagpaalala sa publiko kasunod ng pagkamatay ng sanggol sa ‘heat stroke’

DOH nagpaalala sa publiko kasunod ng pagkamatay ng sanggol sa ‘heat stroke’

MANILA, Philippines- Kasunod ng napaulat na pagkamatay ng isang anim na buwang sanggol dahil sa “heat stroke,” muling iginiit ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Mayo 6, ang kanilang panawagan para sa pagbabantay- lalo na sa mga magulang at tagapag-alaga.

Sinabi ni DOH Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo sa isang panayam na “posible” ang napaulat na pagkamatay ng sanggol dahil sa heat stroke sa gitna ng matinding init na nararanasan sa maraming lugar sa buong bansa.

“Actually, we did ask our epidemiologic and surveillance unit, the immediate cause of death written on the [six-month-old baby’s] record is respiratory failure unspecified,” wika ni Domingo.

Nabanggit din niya ang mga potensyal na kadahilanan na nag-aambag sa paghinto ng paghinga o ang pagsisimula ng respiratory failure.

“We’re not yet sure if that’s the case [heatstroke] pero hindi naman natin agad niru-rule out na baka init ang dahilan nito”, paliwanag pa ni Domingo.

Binanggit niya ang maraming mga kadahilanan na maaaring magdulot ng pagkabigo sa paghinga, na pinalulubha ng matiding init.

Ayon kay Domingo, mga bata at mga lolo at lola ang kadalasang tinatamaan ng heatstroke.

Pinayuhan ni Domingo ang mga magulang na bantayan ang paghinga ng kanilang sanggol. Nagpaalala rin ito na hindi mabuti ang sobrang bilis o sobrang bagal na paghinga at sakaling mangyari ito ay agad na humingi ng atensyong-medikal.

Dapat ding bantayan o tingnan ang pulso kung mabilis o mabagal.

Sa mga tuntunin ng paunang hakbang sa pagtugon, binigyang-diin ni Domingo ang agarang pakikipag-ugnayan sa medical professionals at dalhin agad sa healthcare facility ang bata.

Nagbabala siya laban sa mga tradisyunal na pamamaraan tulad ng paglulubog sa mga sanggol sa tubig, sa halip ay nagsusulong para sa paggamit ng mga basang tuwalya at pagtiyak ng sapat na bentilasyon upang mapadali ang regulasyon ng temperatura.

“Sa baby pwede nating lagyan ng tuwalya na basa pero huwag ibabad dahil remember maliit ang katawan ng bata at mas mabilis ‘yung adjustment nito sa temperature,” sabi ni Domingo.

Binigyan-diin din ni Domingo ang kahalagahan ng ng paghikayat sa pagpapasuso bilang isang paraan ng hydration para sa mga sanggol na nasa pagkabalisa, na binibigyang pansin ang fluid nature ng breast milk.

Bilang bahagi ng paunang paggamot, inirerekomenda ni Domingo na ilipat ang sanggol sa mas malamig na kapaligiran upang maibsan ang mga sintomas at mabawasan ang mga karagdagang komplikasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden