Home NATIONWIDE DOJ kumpyansang papaboran ng Timor-Leste sa extradition case vs Teves

DOJ kumpyansang papaboran ng Timor-Leste sa extradition case vs Teves

MANILA, Philippines – Malaki ang tiwala ng Department of Justice (DOJ) na kakatigan ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas laban kay Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

Iniulat ng DOJ na tinapos na ng Timor-Leste CA ang extradition hearing laban sa dating mambabatas.

Binigyan ng CA ang bawat partido ng sapat na panahon para magsumite ng kani-kanilang memorandums o position papers na nagsasaad ng kanilang mga argumento.

Nabatid na sunod sunod ang pagsusumite ng memorandum. Mauina ang Timor Leste Central Authority na maghain ng Memorandum/Position Paper na susundan ng kampo ni Teves.

Sa sandaling maihain na ang lahat ng memorandum, mayroon limang araw ang appellate court para desisyunan ang kaso.

Umaasa ang DOJ na mailalabas ng CA ang desisyun sa katapusan ng Hunyo.

Naniniwala ang DOJ na kakatigan ng Court of Appeals ang Pilipinas lalo pa at naging epektibo ang kanilang mga testigo na kontrahin ang mga argumento na ipinunto ng kampo ni Teves.

Si Teves ay nahaharap sa 10 bilang ng kasong murder, 12 bilang ng frustrated murder at apat na bilang ng kasong attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay sa naganap na pamamaslang noong March 4, 2023 sa Pamplona, Negros Oriental. Teresa Tavares