MANILA, Philippines – Sumailalim sa paraffin at ballistic test ang mga pulis na kasama sa entrapment operation sa Barangay Sembrano, Gerona, Tarlac kung saan isang ginang ang namatay nang tamaan ng ligaw ng bala habang nakahiga sa duyan kasama ang sanggol na anak nitong Biyernes.
Sinabi ito ni Tarlac Police Provincial Office director, PCol. Miguel M. Guzman matapos niyang bisitahin ang burol ng biktimang si Jella Gragasin Caldito.
Ayon kay Guzman, agad niyang ipinasuko sa mga pulis ang kanilang mga armas upang isailalim sa ballistic test, kasabay ng paraffin test sa mga ito.
Nangako ang PNP na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng ginang at hindi ito-tolerate kung may magpositibo sa mga pulis na dahilan ng pagkamatay ng ginang.
“Wala po tayong itatago at kikilingan. Kung lumabas po sa imbestigasyon na kasalanan ng pulis, atin pong pananagutin sa pagkamatay ng biktima,” sabi ni Guzman.
Nag-abot ng kaunting tulong si Guzman sa pamilya ng biktima ngunit sinabi ni Angelo Caldito, mister ni Jella na hustisya ang gusto niyang makamit sa pagkamatay ng kanyang misis. MARINA G. BERNARDINO