Home NATIONWIDE DOJ sa hatol sa 4 pulis-Caloocan sa drug war killing: PH justice...

DOJ sa hatol sa 4 pulis-Caloocan sa drug war killing: PH justice system epektibo

MANILA, Philippines – Pinuri ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules, Hunyo 19 ang paghatol sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa mag-amang Luis at Gabriel Bonifacio sa isang anti-drug operation noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ani Remulla, patunay lamang ito na ang criminal justice system sa Pilipinas ay epektibo at gumagana.

Nitong Martes ay hinatulan ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 121 sina Police Master Sgt. Virgilio Servantes at Police Corporals Arnel De Guzman, Johnston Alacre, at Argemio Saguros, Jr. na guilty sa kasong homicide.

“This conviction is a milestone in our criminal justice system, a testament [to] the government’s unwavering efforts to safeguarding human rights in the pursuit of justice and a clear proof of a functioning justice system,” ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Pinuri din ng kalihim ang mga prosecutor ng Department of Justice sa pagsisigurong mapananagot ang apat na pulis.

“This serves as a reminder to abusive police officers that no one is above the law, justice will eventually catch up with them,” ani Remulla.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng dating legal counsel ni Duterte na si Salvador Panelo na ang hatol matapos ang walong taon ay “is an eloquent proof that the judicial system in the country not only is functioning but robust as well.”

Dahil dito ay wala na umanong dahilan pa para makialam ang International Criminal Court sa imbestigasyon sa mga pagpatay na nangyari sa madugong drug war ni Duterte.

Ikinatuwa ng Human rights group Karapatan ang hatol sa mga pulis, ngunit sinabi na mas magaan ito kumpara sa orihinal na murder case na inihain ng pamilya ng mga biktima laban sa mga suspek.

“We continue to stand in solidarity with all victims of human rights violations, including those who suffered under Duterte and those who continue to suffer under the Marcos Jr. administration, in our collective demand for justice and accountability,” pahayag ni Karapatan Secretary-General Tinay Palabay.

Matatandaan na libo-libong drug suspects ang napatay ng mga pulis at hindi pa tukoy na mga gunman sa kampanya ni Duterte laban sa illegal na droga noong 2016 hanggang 2022.

Ang extrajudicial killings na ito ang nais imbestigahan ng International Criminal Court.

Hayagang inutusan ni Duterte ang mga pulis sa kanyang administrasyon na barilin at patayin ang mga suspek sa mga operasyon kung malalagay sa alanganin ang buhay ng mga pulis. RNT/JGC