MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga patakaran sa sahod para sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, 2026, at pinaalalahanan ang mga employer na bayaran nang tama ang kanilang mga empleyado.
Batay sa Proclamation No. 1006, idineklara ang June 12 bilang regular holiday bilang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Sa Labor Advisory No. 11, series of 2026, ang mga patakaran sa sahod ay ang sumusunod:
Kung hindi papasok ang empleyado, makakatanggap pa rin ng 100% ng sahod “basta pumasok o naka-paid leave ang empleyado sa araw bago ang regular holiday (basic wage x 100%).
Dagdag pa ng DOLE, kung ang araw bago ang regular holiday ay non-working day o rest day sa kumpanya, makakatanggap pa rin ng holiday pay ang empleyado kung pumasok siya o naka-paid leave sa araw bago ng non-working day o rest day.
Kung papasok sa araw na ito, makakatanggap ng kabuuang 200% ng sahod para sa unang 8 oras (basic wage x200%)
Kung lalagpas sa 8 oras, dagdag na 30% ng hourly rate (hourly rate ng basic wage x 200% x 130% x bilang ng oras na pinasok)
Kung regular holiday at rest day at papasok sa trabaho, may karagdagang 30% ng basic wage ng 200% (basic wage x 200% x 130%).Kung lalagpas sa 8 oras ay makatatanggap naman ng hourly rate ng basic wage x 200% x 130% x 130% x bilang ng oras na pinasok.
Samantala, magbibigay ng libreng sakay ang Metro Rail Transit 3 sa mga pasahero mula 7 ng umaga hanggang 9 ng umaga at 5 ng hapon hanggang 7 ng hapon sa June 12, Biyernes. Jocelyn Tabangcura-Domenden