Home NATIONWIDE DOLE tiniyak, regional wage review process nagpapatuloy

DOLE tiniyak, regional wage review process nagpapatuloy

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Secretary Francis N. Tolentino na nagpapatuloy ang regional wage-review process at kabilang dito ang parehong manggagawa at employers.

Patuloy na pinaiigting ng Department of Labor and Employment (DOLE), sa pangunguna ng kalihim ang mga konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa mga stakeholder upang isulong ang wage adjustments para sa mga manggagawang Pilipino.

Sa isang panayam, sinabi ni Secretary Tolentino na tiniyak ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs), kabilang ang sa CALABARZON kung saan inilabas ang pinakahuling wage hike, ang partisipasyon ng tripartite sa proseso ng pagtukoy ng sahod.

“Sa lahat ng probinsya, nagkaroon ng public hearing; ang huli ay sa Lipa. Kasama na rin ang Lucena. Nagkaroon sa Antipolo.

Nagkaroon sa Calamba. Nagkaroon sa Batangas. Halos lahat, lahat nagkaroon. Sobra-sobra ‘yung public hearing sa konsultasyon. All of these are documented,” ani Secretary Tolentino.

Nakahanay ang mga konsultasyon para sa Central Luzon, kabilang ang Pampanga, Bulacan, Clark, Subic, at Zambales.

Ang pagpapatupad ng wage adjustments sa mga lugar na ito ay depende sa kanya-kanyang wage orders na ilalabas pagkatapos ng konsultasyon at sa desisyon ng wage boards.

Nilinaw din ni Secretary Tolentino na ang wage adjustments ay maaaring ipatupad nang tranches o sa pamamagitan ng isang beses na pagtaas, depende sa naaangkop na wage order.

Ginagabayan din ang wage reviews ng anniversary dates ng mga umiiral na wage orders, habang ang halaga at iskedyul ng adjustments ay isinasaalang-alang ang socioeconomic conditions ng bawat rehiyon.

Bukod sa wage adjustments, hinihikayat din ng DOLE ang mga employer na kusang magbigay ng non-wage benefits upang higit pang suportahan ang kapakanan ng mga manggagawa, tulad ng Christmas bonuses at health insurance.

Sa pamamagitan ng patuloy na konsultasyon at mga inisyatiba na ito, nananatiling nakatuon ang DOLE sa pagtataguyod ng patas na sahod, pagpapalakas ng proteksyon sa manggagawa, at pagtitiyak na ang mga manggagawang Pilipino ay makakatanggap ng makabuluhang suporta sa gitna ng pabago-bagong kondisyon sa ekonomiya at kalikasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here