MANILA, Philippines – — Sinabi ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na malinis na ang mga proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Irrigation Authority (NIA) upang maiwasan ang ghost projects at korapsyon.
Sa NIA, tinanggal ni Gatchalian ang lahat ng lump sum allocations sa kabuuang P26 bilyon na pondo ng ahensiya para sa national at communal irrigation systems, extension ng existing irrigation systems, pump irrigation, at special irrigation programs.
“Isa pang pananggalang na ipinatupad natin sa budgeting process ay ang pagtanggal ng lump sums. Para hindi na mangyari uli ‘yung ghost projects, ang layunin ay magtatag ng line items at tiyakin na malinaw na matukoy ang eksaktong coordinates at ang tiyak na haba ng mga irrigation projects,” paliwanag ni Gatchalian.
Dagdag pa niya, masusundan ng mga kababayan kung anong irrigation projects ang itinatayo sa kanilang lugar.
Sa DPWH naman, tiniyak ni Gatchalian na mawawala na ang mga hindi malinaw at dudang proyekto sa 2026 proposed budget.
“Marami kaming nakita–P4 billion plus ang tinanggal naming mga red flags… ‘Yung mga projects na walang station number, pinalagyan natin lahat ng station numbers. Kaya impossible na magkaroon ng ghost projects. Yan, maga-guarantee ko yan 100% wala nang ghost projects. 100% wala na ring mga underspecs na projects dahil meron nang mga station numbers,” ani Gatchalian.
Dahil dito, nabawasan ang proposed 2026 DPWH budget mula sa P624.48 bilyon sa House-approved General Appropriations Bill (GAB) sa P568.56 bilyon.
Ang mga red-flagged items, kabilang ang mga duplicate, multi-phase, at reappearing projects mula 2025, ay na-validate o tinanggal na, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Nilinaw ni Gatchalian na ang mga hakbang na ito ay layuning tiyakin ang transparency, maiwasan ang substandard at ghost projects, at mapangalagaan ang pondo ng mamamayan. Ernie Reyes