MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang panawagan para sa imbestigasyon ng Senado sa EDSA Phase 1 Rehabilitation Project matapos lumitaw ang mga bagong lubak (potholes) sa bagong ayos na bahagi ng EDSA.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, mahalaga ang legislative oversight upang matiyak ang transparency at tamang paggamit ng pondo ng bayan.
Iniutos na rin niya sa DPWH-NCR na obligahin ang contractor na ipaayos ang lahat ng apektadong bahagi nang walang gastos sa gobyerno at tukuyin ang sanhi ng problema.
“We are auditing contractor compliance, and if our investigation reveals substandard workmanship or negligence, we will hold those responsible fully accountable.”
Dagdag ni Dizon, handa ang DPWH na lubusang makipagtulungan sa Senate Committee on Public Works.
Nauna nang nanawagan si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng imbestigasyon matapos lumitaw ang mga bagong lubak sa bagong rehabilitadong bahagi ng EDSA kasunod ng mga pag-ulan dulot ng habagat. Layunin ng kanyang Senate Resolution 594 na suriin ang design at engineering standards at tiyakin ang pananagutan sa mga proyektong pang-imprastraktura. RNT/MDS