MANILA, Philippines – Maaaring indikasyon ang nabigong panunuhol ng isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kay Rep. Leandro Leviste ang mga opisyal ng DPWH ay naging “legmen” at “bagmen” ng malalakas na kontratista at/o ng mga “funder” o ang mambabatas na sumisingit ng pondo sa pambansang budget para sa proyekto, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson.
Iginiit din ni Lacson na kailangan na ang “surgical solution” sa sistematikong katiwalian sa DPWH, higit pa sa simpleng pagpapalit o pag-reassign ng mga opisyal.
“DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo is far from being a ‘big fish.’ His arrest after a foiled bribery try on Rep. Leviste reinforces my theory that some DPWH officials, at least at the district engineering level have already been relegated to being ‘legmen’ and worse, ‘bagmen’ of some ‘powerful contractors’ or ‘funders’ responsible for the insertions in the budget,” ani Lacson.
“Having said that, the investigation of this instant case should dig deeper to determine under whose direction Calalo was offering the bribe money. And I am not referring to higher DPWH officials but to the ‘funder/s’ or the lawmaker/s who made the insertions in the 2025 GAA,” dagdag niya.
Ani Lacson, dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group o kahit ang National Bureau of Investigation, at hindi dapat tumigil sa paghain ng kaso kay Calalo.
“They should find out who is/are behind his bribe offer,” aniya.
Binanggit ni Lacson ang impormasyong nakarating sa kanya kung saan maaaring magkaugnay ang tangkang panunuhol at ang naiulat na P3.6 bilyong aprubadong budget sa 2025 GAA, sa anyo ng “kickbacks” na umaabot ng 10% (o P360 million). Ito ay mas mataas sa “usual” na 5-6% “passing through” o “parking fee” para sa kongresistang may hurisdiksyon sa project site.
“Somebody more powerful must be behind this whole scheme. Kasi malaki yan P3.6 billion lahat ang sinasabi doon, approved under the 2025 GAA,” ani Lacson.
Muli niyang iginiit na ang pinakamahalagang bagay ay masigurong maparusahan ang lahat ng sangkot, gaano man sila kalakas.
Samantala, sinabi rin ni Lacson na dapat magsagawa ang DPWH ng “surgical” reforms at hindi lang basta pagpapalit o pagre-reassign ng mga opisyal. Binigyang-pansin niya na noong panahon ni dating Pangulong Aquino, nagawa ni noo’y DPWH Sec. Rogelio Singson na “rein in” ang burukrasya sa kanyang kagawaran.
“Surgical talaga. Kicking out people is just one simple solution. Hindi ganoon. Dapat talaga, kasi systemic na kaya kailangan surgical ang solution. Operahan na talaga. Di pwede ang tapal tapal, di pwede band aid,” ani Lacson. Ernie Reyes