MANILA, Philippines – Magpapadala ng karagdagang tauhan at kagamitan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para tulungan ang mga residenteng apektado ng ashfall mula sa Bulkang Mayon.
Ayon kay Secretary Vince Dizon, isasagawa ang clearing operations at declogging ng mga drainage na nabarahan ng abo sa mga lugar ng Camalig at Guinobatan, Albay.
Sinabi ni Dizon na layon ng hakbang na mapabilis ang paglilinis sa mga apektadong lugar at maibalik ang kaayusan sa komunidad.
Nakikipag-ugnayan ang DPWH sa iba pang national government agencies at mga lokal na opisyal upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.
Ito ay matapos iutos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang agarang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan ng Camalig at Guinobatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden