Home NATIONWIDE DPWH nakikipag-ugnayan na sa DepEd sa pagkumpleto ng mga gusali ng paaralan

DPWH nakikipag-ugnayan na sa DepEd sa pagkumpleto ng mga gusali ng paaralan

215
0

MANILA, Philippines – Makikipag-ugnayan si DPWH Secretary Vince Dizon kay Education Secretary Sonny Angara upang unahin ang pagtatapos ng mga hindi pa tapos na konstruksyon ng mga silid-aralan sa buong bansa.

Ginawa ni Dizon ang pahayag matapos niyang inspeksyunin ang dalawang-palapag na gusali ng silid-aralan sa Revilla High School at tatlong-palapag na gusali ng silid-aralan sa Aniban Central School, parehong nasa Bacoor, Cavite.

Ayon kay Dizon, nagsimula ang konstruksyon ng parehong gusali noong 2024 ngunit natigil ito noong nakaraang taon.

Dagdag pa ni Dizon, kailangang baguhin ang mindset ng mga ahensya upang hindi mapabayaan ang mga hindi natapos na gusali para bigyang-daan ang mga bagong proyekto.

Sa kanyang inspeksyon sa Cavite, sinabi ni Dizon na ang mga silid-aralan ay mangangailangan ng humigit-kumulang P50 milyon upang matapos ang konstruksyon, na maaaring magawa ngayong taon.

Sinabi rin niya na nangako si Angara na magbibigay ng kinakailangang pondo para sa mga proyekto.

Inamin naman ng Department of Education (DepEd) ang mabagal na progreso ng konstruksyon ng mga silid-aralan at sinabing ang “mabigat na workload, late validation, costing submission, at pagbabago sa pamunuan” ng Department of Public Works and Highways ang nagdulot ng pagkaantala.

Kamakailan, lumagda ang DepEd ng memorandum of agreement sa mga lokal na pamahalaan upang pabilisin ang konstruksyon at pagkukumpuni ng mga pampublikong silid-aralan sa ilalim ng 2026 national budget. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here