MANILA, Philippines – Papanagutin ng Senado ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Bicol Region noong nakaraang linggo sanhi ng pananalasa ng bagyong Kritine, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Sa pahayag, sinabi ni Escudero na bukod sa DPWH, kukuwestiyunin din ng Senado sa deliberasyon ng badyet ng ahensiya na Department of Environment and Natural Resources (DENR) na umubos ng bilyong pondo para sa flood control programs.
Noong nakarang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinagmalaki nitong natapos ng pamahalaan ang mahigit 5,500 flood control projects at marami pang iba ang sinisimulan sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Ngunit, makalipas ng isang araw, isang bagyo ang nanalasa sa bansa na ikinalubog sa baha ng Metro Manila at karatig lalawigan. Kamakailan, hinagupit ng bagyong Kristine ang Bicol Region.
“Principally DPWH, yes, pangalawa marahil DENR, ano nga ba ang projection nila? Ano nga ba ang kailangan baguhin, ganun din ang Climate Change Commission. Ano nga ba ang mga kailangang pagbabago at update na kailangang gawin kaugnay ng infrastructure design natin sa ating bansa,” ani Escudero.
Sinabi ni Escudero na limitado lamang ang pagbaha sa ilang lalawigan ng Bicol region partikular ang Camarines Sur at Albay.
“Actually ‘wag niyo namang lahatin. Ang tinamaan ng solid na malakas-lakas ay ang Camarines Sur at ang Albay. Ang Bicol region ay binubuo ng 6 na lalawigan, kabilang na ang Catanduanes, Masbate, Sorsogon at Camarines Norte. ‘Di gaanong tinamaan yung 4,” ayon kay Escudero, dating governor ng Sorsogon.
Sinuportahan din ni Escudero ang plano ng Palasyo na bisitahin ang Bicol River Basin Development Program kung angkop pa sa kasalukuyang panahon.
Aniya, kailangan matunghayan na sapat ang badyet para sa climate change.
Samantala, pinuri naman niEscudero ang performance ng PAGASA sa pagbibigay ng angkop at agarang weather updates. Ernie Reyes