MANILA, Philippines – Inamin ni DPWH programming division chief Peter Paul Cortez na wala siyang personal knowledge na personal na humingi si Sen. Jinggoy Estrada ng insertion sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Tumestigo si Cortez sa bail hearing ni Estrada sa kasong plunder sa Sandiganbayan Fifth Division. Hindi dumalo ang senador na kasalukuyang detained at suspended.
Ayon kay Cortez, 16 na proyekto ang na-insert — apat sa NCR at Oriental Mindoro na P750 milyon, pitong flood mitigation projects na P355 milyon sa Bulacan 1st DEO, at limang proyekto na P500 milyon sa Bulacan 3rd DEO.
Aniya, galing kay dating Undersecretary Cathy Cabral ang instruction, pero hindi niya ito personal na natanggap, hindi niya in-encode ang insertion, at hindi ito kinumpirma ng opisina ng senador.
Nang tanungin ni Justice Zaldy Trespeses kung assumption lang na si Estrada ang nag-request dahil siya ang naka-tag na proponent, sumagot si Cortez ng “That’s the assumption.”
At nang tanungin kung may personal knowledge siya, sumagot siya ng “No personal knowledge.”
Kinumpirma rin niya na ang mga proyekto ay wala sa 2025 National Expenditure Program at General Appropriations Bill pero lumitaw sa 2025 GAA, at ang insertions ay ginawa ng Kamara at Senado.
Tumestigo rin si Cortez sa bail hearing ni dating House Speaker Martin Romualdez, kung saan sinabi niyang mahigit 444 proyekto na P27 bilyon ang na-insert para kay Romualdez.
Sa hiwalay na hearing, sinabi rin ni Engr. Gerard Longoria na si Cabral ang nagbigay ng project list, pero walang record nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden