Home OPINION DR. LEACHON KINASUHAN NG CYBER LIBEL

DR. LEACHON KINASUHAN NG CYBER LIBEL

MALAKI ang epekto nang binibitiwang akusasyon ng sinoman lalo na kapag kilalang personalidad sa social media sapagkat nakasisira ito ng reputasyon ng isang tao o organisasyon.

Kaya nga itong si Dr. Tony Leachon, isang health advocate, ay sinampahan sa National Bureau of Investigation ng cyber libel dahil sa kanyang mga pagsasapubliko ng mga bintang laban sa Bell-Kenz Pharma Inc. na ang nasabing kompanya ay sangkot sa “unethical practices.”

Aba’y mabigat naman talaga ang bintang ni Leachon sa Bell-Kenz na ito ay sangkot sa multi-level marketing at pyramiding schemes bukod pa sa pag-aalok ng mararangyang incentives sa mga doktor na nagrereseta ng kanilang gamot.

Pero inamin ng health advocate na ang kanyang mga isinapubliko kaugnay sa Bell-Kenz Pharma ay pawang sinabi lang sa kanya ng ilang impormante at wala siyang “first hand” information kaugnay sa mga bintang sa nasabing kompanya.

Eh, malinaw na haka-haka lang o hearsay ang mga inilantad sa publiko nitong si Leachon. Wala siyang ebidensiya. At ang paninira niya ay masama ang naging dulot sa pharmaceutical company na humingi na ng tulong sa NBI upang maipatanggal sa social media at iba pang platform ang mga akusasyon ni Leachon.

Hindi lang naman kompanya ang umano’y nasira dahil sa akusasyong isinapubliko ng manggagamot subalit maging ang reputasyon ng mga doktor na nagrereseta ng mga gamot na gawa ng Bell-Kenz na sinasabing 30% na mas mura kaysa sa iba.

At bilib ang Juan de Sabog sa abogado nitong pharmaceutical company dahil handa silang humarap sa imbestigasyon ng Senado o iba pang government health regulatory bodies ngunit hiling ay mabigyan sila ng patas na pagtrato.

Teka nga, himay-himayin nga natin ang mga bintang ni Leachon sa Bell-Kenz. Sinabi ng kilalang manggagamot na sangkot sa Multi-level marketing at pyramiding schemes ang Bell Kenz, nagbibigay ng magagarbong regalo sa mga doktor gaya ng trip abroad at mamahaling gamit bukod pa sa sinasabi ni Leachon na ang nasabing pharmaceutical company ay pag-aari ng mga doktor.

Mukhang hindi nag-isip si Leachon nang ilahad sa publiko ang mga nakasisirang bintang laban sa Bell-Kenz na sinalag ang mga akusasyon sa pagsasabing hindi sila involve sa MLM at pyramiding scheme dahil hindi naman sila nagrerecruit ng mga tao, kung usapin naman ng pagreregalo, lumang tugtugin na anila iyon dahil marami namang kompanya ng mga gamot ang gumagawa ng ganoon kaya dapat ding imbestigahan ang mga ito at ang huli na pag-aari ng mga doktor, hindi ba’t maging ang mga diagnostic center, dialysis center, ospital, drug stores at testing center ay pag-aari ng sektor ng mga manggagamot?

Naku, mukhang papasok nga sa cyber libel si Leachon dahil sa kawalang ebidensiya ng kanyang mga inihayag sa publiko at pupwedeng maimbestigahan ng Senado.

Bakit nga ba ang Bell-Kenz Pharmaceutical Inc lang ang natirya sa usaping ito samantalang maraming iba pa? Marahil ay malaki itong kompanya at maraming mga magagandang gamot kaya mas pinipili ng mas maraming doktor.