BANGUED, Abra – Patay ang driver ng mayoralty candidate nang pagbabarilin sa loob ng isang bahay sa Zone 3, Bangued, Abra, kagabi.
Kinilala ang biktimang si Juanito Gammong, 58-anyos, pansamantalang residente ng Barangay Dangdangla, Bangued Abra nang mangyari ang pamamaril.
Ayon sa pulisya, pumasok si Gammong sa bahay ng alas-7 kagabi para magpahinga nang sundan siya ng suspek sa loob at pinagbabaril siya ng tatlong beses, at agad na tumakas.
Agad na dinala ng mga rumespondeng mga pulis ang biktima sa Abra Provincial Hospital, subalit idineklera siyang dead on arrival.
Ayon kay suspendidong Vice Governor Joy Bernos, na muling kumakandidato, si Gammong ay driver ni Lenin Benwaren, mayoral candidate sa bayan ng Tineg, Abra.
Sa ngayon ay kasalukuyan nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga suspek. Rey Velasco