MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang 42-anyos na drayber matapos makuhanan ng dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon sa buy-bust operation sa Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Edgar Jubay, direktor ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM), kinilala ang suspek sa alyas na “Akmad.”
Narekober ng mga ahente ng PDEA ang dalawang purple Chinese tea bags na may markang “888” at naglalaman ng 2,000 gramo ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nagkakahalaga ito ng P13.6 milyon.
Narekober din sa operasyon ang Android mobile phone, Suzuki Ertiga na may plakang NOV-2519, buy-bust money na may P1,000 genuine bill at 20 bundle ng pekeng pera, wallet na naglalaman ng P620 cash at dalawang identification cards.
Pinuri naman ni Jubay ang suporta ng 1401st Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion-14A at Parang Municipal Police Station sa entrapment operation.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC