MANILA, Philippines – Isinusulong ni Laguna Governor Sol Aragones ang dredging ng Laguna de Bay at malawakang rehabilitasyon ng drainage systems sa probinsya bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon ng pagbaha sa probinsya.
Ito ay dahil sa nananatiling lubog pa rin sa baha ang 29 barangay na malapit sa lawa, apektado ang mga komunidad sa San Pedro, Biñan, Santa Rosa, Los Baños, Bay, Calamba, Santa Cruz, Pakil, at Paete.
Ani Aragones, naghihintay pa ng pondo ang pamahalaang panlalawigan mula sa national government para ipatupad ang kanyang plano na pagbutihin at ikonekta ang drainage systems sa buong Laguna.
“Lalo dito sa bahagi ng Fourth District. Marami pa kaming kailangang ayusin na drainage doon kasi kinakailangan talaga yung tuloy-tuloy at connected sa isa’t isa. Kumbaga may master plan para talaga matugunan yung problema. Medyo mahabang proseso ito,” sinabi ni Aragones.
Bagamat nagsasagawa na ng dredging operations mula pa noong nakaraang taon ang pribadong kompanya nang walang gastos sa pamahalaan, sinabi ni Aragones na mas mabuting ang pamahalaan mismo ang gumawa ng proyekto.
Suportado umano ng mga alkalde at congressman ng Laguna ang naturang plano.
“Ito yung dahilan kung bakit nagpupulong ang mga mayors isama natin ang mga congressman at kami lahat para mahimay talaga yung step-by-step na dapat gawin at ano ba ang pinakaangkop sa sitwasyon ngayon ng baha ng Laguna.”
Kabilang sa mga lugar na lubog pa rin sa baha ang Sitio Masagana at Sitio Mapayapa sa Barangay Pansol, Calamba City, kung saan 79 pamilya ang nananatili sa evacuation centers. RNT/JGC