MANILA, Philippines — Nanawagan si dating Senate President Franklin Drilon sa oposisyon na magbuklod at maglatag ng iisang kandidato para sa 2028 presidential elections, iginiit na wala umanong tsansa ang magkakahiwalay na kandidatura laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang fireside chat sa paglulunsad ng kanyang memoir na “Being Frank: A Memoir” sa Makati City, sinabi ni Drilon na si Duterte ang pinakamalakas na posibleng kandidato sa ngayon kung hindi agad kikilos ang oposisyon.
“Let’s face it. Sara Duterte is the strongest candidate insofar as 2028 is concerned unless we take this seriously early enough,” ani Drilon.
Nilinaw niyang personal na pananaw lamang ito, ngunit iginiit na kailangang magkasundo ang lahat ng puwersang hindi kaalyado ng administrasyon sa iisang proseso ng pagpili ng kandidato.
“Kung walang iisang kandidato, walang tsansa ang oposisyon,” aniya, sabay sabing dapat may mapili na bago matapos ang taon upang may sapat na panahon para mangampanya at makalikom ng pondo.
Lumutang ang pahayag ni Drilon matapos kumalat ang larawan ng isang “rare lunch meeting” kasama sina dating Vice President Leni Robredo, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, Sen. Francis Pangilinan, Rep. Leila de Lima, Rep. Chel Diokno, at dating DBM Secretary Florencio “Butch” Abad—na nagpasiklab ng espekulasyon sa posibleng common opposition ticket.
Kaugnay nito, iginiit din ni Drilon na ang mga impeachment complaint laban kay VP Duterte ay may kaugnayan sa 2028 elections at malabong umusad sa Senado kung mapapalitan si Senate President Vicente Sotto III.
“I view the present events… as a prelude related to the presidential elections in 2028,” ani Drilon.
Dagdag niya, kung mananatili si Sotto bilang Senate President, agad umanong uusad ang impeachment trial, ngunit kung mapapalitan ito, malabong maganap ang paglilitis kahit maakyat pa sa Senado ang reklamo. RNT/JGC