Home METRO Driver na tinanggal sa trabaho sa pagsagip sa mga nabaha sa Cebu,...

Driver na tinanggal sa trabaho sa pagsagip sa mga nabaha sa Cebu, pararangalan ng DOLE

372
0

MANILA, Philippines – Pararangalan ng Department of Labor and Employment (DOLE) 7 ang isang driver ng wing van na tinanggal sa trabaho dahil sa paggamit ng sasakyan ng kumpanya sa pag-rescue sa mga taong natangay ng baha sa Barangay Cotcot, Liloan, Cebu.

Inimbestigahan din ng DOLE ang may-ari ng wing van, na sinasabi na walang basehan ang pagtanggal sa driver.

Isang video ng driver ng wing van ang kumalat at umani ng mga papuri.

Napag-alaman na isang pulis ang humingi ng tulong kay Narvasa para sa mga residente. Ngunit ang kanyang kabayanihan ay hindi pabor sa may-ari ng sasakyan, kaya tinanggal siya sa trabaho.

Pinuri naman ni Cebu Governor Pamela Baricuatro ang driver. Nang malaman niya ang pagtanggal sa trabaho nito, agad niyang inutusan na kunin si Narvasa bilang driver sa Cebu Provincial Capitol.

Pinuri rin ng DOLE 7 ang katapangan at malasakit na ipinakita ni Narvasa sa pagligtas sa mga residente ng Liloan.

Pararangalan si Narvasa sa isang seremonya sa Disyembre 2025 sa anibersaryo ng DOLE.

Sinabi ni DOLE 7 Regional Director Atty. Roy Buenafe na may imbestigasyon sa biglaang pagtanggal sa trabaho ni Narvasa.

Hindi umano binigyan ng pagkakataon si Narvasa na ipaliwanag ang kanyang panig bago siya tinanggal sa trabaho.

Dagdag pa ni Buenafe na ang kabayanihan ni Narvasa ay dapat purihin at gantimpalaan, hindi tanggalin sa trabaho.

Dahil pareho umano ang lugar nina Narvasa at ng may-ari ng wing van, na Leyte, nakipag-ugnayan ang DOLE 7 sa DOLE Eastern Visayas para sa imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here