Home METRO Driver patay, 6 sugatan sa salpukan ng van, SUV sa Isabela

Driver patay, 6 sugatan sa salpukan ng van, SUV sa Isabela

1
0

ALICIA, Isabela – Patay ang driver ng isang pampasaherong van habang anim na katao, kabilang ang isang bata, ang nasugatan matapos bumangga ang van sa isang sports utility vehicle (SUV) sa Barangay Burgos, Alicia, Isabela.

Batay sa paunang imbestigasyon, magkasunod na binabagtas ng dalawang sasakyan ang national highway dakong alas-10 ng umaga nang mangyari ang aksidente.

Papaliko na sana sa isang compound ang SUV nang salpukin ito sa likurang bahagi ng kasunod na van.

Sa lakas ng banggaan, nayupi ang harapang bahagi ng van at naipit ang driver nito.

Inabot ng ilang oras bago nailabas ng mga rescuer ang biktima at naisugod sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Sugatan din ang limang pasahero ng van na agad dinala sa ospital para sa kaukulang gamutan.

Napinsala rin ang likurang bahagi ng SUV, habang nagtamo naman ng sugat ang isang batang sakay nito.

Hindi nasaktan ang driver ng SUV na boluntaryong sumuko sa Alicia Police Station kasunod ng insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga pangyayari at posibleng pananagutan sa aksidente.

(Rey Velasco)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here