MANILA, Philippines – Nagbigay ng suporta ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakauwi mula sa Middle East dahil sa patuloy na geopolitical crisis.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nakipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at iba pang ahensya upang masigurong maibigay ang agarang tulong sa mga repatriated OFWs.
Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay ay psychosocial support tulad ng stress debriefing, counseling, at assessment ng social workers sa airport, kabilang ang programang “Angels in Red Vests.” Kasama rin ang koordinasyon sa Department of Health para sa karagdagang medikal na atensyon kung kinakailangan.
May mga pansamantalang tirahan sa mga DSWD centers at residential care facilities para sa mga nangangailangan, bagaman wala pang naninirahan dito sa kasalukuyan. Pinapalakas din ang tulong pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa transportasyon at agarang pangangailangan.
Binigyang-diin ni Dumlao ang Sustainable Livelihood Program (SLP) para matulungan ang mga nakauwi na OFWs sa trabaho o negosyo, kabilang ang job training, pre-employment processing, at seed capital para sa microenterprise.
Halos 300 OFWs na ang nakatanggap ng tulong mula sa DSWD, DMW, OWWA, at iba pang ahensya sa kanilang pagdating sa bansa. RNT/MND