MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Miyerkules, Hulyo 23 na namahagi na ang ahensya ng mahigit 200,000 family food packs (FFPs) sa mga pamilyang hinagupit ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclone ‘Crising’ at ng habagat.
Ayon kay Sec. Gatchalian, ang mga food packs na ito ay hindi lamang nakarating sa mga pamilya sa loob ng mga evacuation center, kundi pati na rin sa mga tinutulungan ng local government units (LGUs) sa house-to-house relief operations.
“Base sa datos namin ngayong umaga, yung nasa loob ng mga evacuation centers natin ay 34,000 na pamilya pero ang na-distribute na natin na food packs ay more than 200,000 na. So bakit malaki yung naibigay na kesa sa loob ng evacuation center? May mga lugar kasi na sobrang widespread na yung problema… ang ginagawa ng mga LGUs na tinutulungan natin ngayon sa bahay-bahay. units, madikit talaga,” sabi ni Sec. Gatchalian.
Nabatid pa sa hepe ng DSWD na ang bilang ng mga ipinadalang FFP ay inaasahang tataas sa higit sa 300,000 habang patuloy na pinoproseso ng ahensya ang mga kahilingan para sa relief augmentation ng mga LGU na nasalanta ng kalamidad.
Kaugnay nito alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr na tiyakin ang kapakanan ng mga pamilyang nasalanta ng sakuna, ang hepe ng DSWD ay nag-iikot sa mga evacuation center sa Pampanga, Bulacan, Rizal at sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila na kabilang sa mga lugar na dinala ng habagat at ‘Crising.’
Dadalhin ito ngayon ni Secretary Gatchalian sa mga evacuation center sa mga lungsod ng Las Piñas, Pasig, Caloocan, at Navotas.
“Pag nag-anunsyo na ang mga LGU, panawagan ko sa mga taumbayan sumunod na tayo, ‘pag sinabi ni Mayor na lumikas, lumikas na tayo. Eto ang assurance ng DSWD, pag nasa loob kayo ng evacuation center tutulungan namin kayo. Huwag kayong matakot pumunta sa evacuation centers,” panawagan ni Sec. Gatchalian sa mga Filipino para sa kanilang kaligtasan.
Bukod sa 200,000 FFPs na ibinigay, ang ahensya ay naghatid din ng ready-to-eat food (RTEF) boxes, ang pinakabagong karagdagan sa mga relief supplies ng ahensya. Santi Celario