BULACAN, Philippines – Arestado ng mga rumespondeng awtoridad ang tatlong indibiduwal nang sumiklab ang riot sa bayan ng Pandi ng umaga nitong Agosto 16.
Sa ulat ni PLTCOL Nelson Sardin, hepe ng Pandi police station, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jr”, alyas “Riane” at alyas “Bri” kapwa residente ng Brgy. Mapulang Lupa.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng istasyon nang makatanggap ng radio call hinggil sa nagaganap na riot sa nasabing lugar.
Agad rumesponde ang mga pulis katuwang ang mga Brgy. Tanod sa lugar hanggang salubungin sila ng isang lalaki na nasuntok umano ng isang alyas “Bri”.
Dahil dito, inaresto ng mga pulis si alyas “Bri” habang sina alyas “JR” at alyas “Riane” na umanoy humarang at nanghimasok sa proseso ng pag-aresto ay hinuli rin.
Sinasabing dahil sa pagdami ng mga taong nakikialam sa pag-aresto ay agad dinala ang mga suspek sa istasyon para sa kanilang kaligtasan at kaukulang dokumentasyon.
Sa isinagawang body search, dalawang heat-sealed transparent plastic sachets ng hinihinalang shabu ang nakumpiska umano kay alyas “Jr” na nasa 10 gramo at may halagang P68,000.
Isinagawa ang inventory ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng isang halal na opisyal ng barangay at kinatawan ng media.
Ipinaalam din sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal habang inihahanda na rin ang mga kaukulang kaso laban sa kanila. (Dick Mirasol III)