MANILA, Philippines – Hindi nabayaran nang maayos ang duties at taxes ng ilan sa 28 luxury cars na konektado sa pamilya Discaya, ayon sa initial assessment ng Bureau of Customs (BOC) nitong Sabado, Setyembre 6.
“Sa initial report, meron na pong hindi tama ang pagbabayad… kaya lang pinapa-validate ko lang po,” sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa panayam ng DZBB.
“This is much I can say, may initial reports na may mga dokumentong wala na dapat ay nandoon… registered siya dapat doon sa ganoong proseso subalit wala,” dagdag pa.
Nitong Huwebes, sinabi ng BOC na isinuko ng mga Discaya ang 16 na sasakyan, dagdag pa sa 12 sasakyan na unang nasamsam ng ahensya sa pagpapatupad ng search warrant sa St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corp. compound sa Pasig City.
Ang search and seizure ay kasunod ng pag-amin ng contractor at may-ari ng kompanyang si Sarah Discaya na siya ay nagmamay-ari ng Rolls Royce at iba pang mga luxury car sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kasalukuyang ipinoproseso ang mga sasakyan at iniinspeksyon para sa importation records at assessment ng duties at taxes.
“‘Yung mga dokumento, pagtutugmain natin ang mga dokumento ng BOC, registration sa LTO (Land Transportation Office)… Hindi kami titigil sa dokumento lang, kailangan ‘yung mismong dokumento tumugma sa makikita namin sa sasakyan mismo,” ani Nepomuceno.
Mapananagot din umano ang sinumang pumayag na mapapasok ang mga sasakyang ito sa bansa nang walang tamang dokumentasyon at pagbabayad ng kaukulang customs at taxes.
Maaaring mailabas ng BOC ang inisyal na ulat kaugnay sa mga sasakyan ng mga Discaya pagsapit ng Martes, Setyembre 9. RNT/JGC