MANILA, Philippines — Haharapin ni Filipina tennis sensation Alex Eala si Cristina Bucsan para sa second round ng prestihiyosong US Open ngayong Miyerkules.
Si Eala, gumawa ng kasaysayan bilang unang manlalaro mula sa Pilipinas sa Open era na nanalo ng singles’ match sa isang Grand Slam tournament, ay haharap kay Bucsan na isa ring mapanganib na kalaban sa larangan ng tennis.
Tinalo ni Bucsa, noong Martes (oras sa Maynila) si Claire Liu para makipag-date sa Pinay sa round of 64.
Ang 20-anyos na si Eala ay may mas mataas na ranggo kaysa sa kanyang Moldovan-Spanish na kalaban. Ang una ay niraranggo sa ika-75 sa mundo, habang ang huli ay ika-95.
Gayunpaman, hindi ito magiging madali dahil naabot na ni Bucsa, 27, ang mas malalim na round ng lahat ng Grand Slam tournaments. Noong 2022, nakapasok din siya sa round of 64, habang dalawang beses siyang umabot sa round of 32 – ang 2023 Australian Open at 2025 Wimbledon.
Nauna nang tinalo ni Eala si World No. 14 Clara Tauson sa tatlong set, 6-3, 2-6, 7-6 (13/11) sa kanilang first round matchup.
Sa isang Instagram post, sinabi ni Eala na nakatutok siya sa second round.
“Hindi sila nagbibiro nang sabihin nilang ito ang lungsod ng mga pangarap,” nakasulat sa kanyang caption.
“Lahat ay nakatuon sa ikalawang round.”
Maglalaban sina Eala at Bucsa para sa pagkakataong makapasok sa round of 32 , bagama’t hindi pa matukoy ang eksaktong oras.JC