MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang epekto ng easterlies sa silangang bahagi ng bansa ngayong Linggo, na magdadala ng maulap na panahon at mga pag-ulan sa ilang lugar, ayon sa PAGASA.
Aasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkulog sa Aurora at Quezon, kung saan posibleng magdulot ng flash flood o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan naman na may mga pulos na pag-ulan o pagkulog ang mararanasan sa Metro Manila, Visayas, natitirang bahagi ng Luzon, Caraga, at Davao Region dahil din sa easterlies.
Ang natitirang bahagi ng Mindanao ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pag-ulan dahil sa localized thunderstorms. Katamtaman hanggang banayad ang magiging kondisyon ng karagatan sa buong bansa. RNT