Bumagal ang takbo ng mga sasakyan sa kahabaan Ng Roxas Blvd sa Maynila nitong umaga ng Lunes, Agosto 17, 2026 dahil sa malakas na ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa lugar.Larawan ni ERIC OCAPAN
MANILA, Philippines – Posibleng makaranas ng pag-ulan at thunderstorms ang ilang bahagi ng Mindanao at Batanes sa Martes, Nobyembre 17, habang inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Batay sa 4 p.m. weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, patuloy na nakaaapekto sa bansa ang easterlies o hanging nagmumula sa silangan.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may scattered rains at thunderstorms sa Caraga at Davao Region dahil sa easterlies.
Samantala, magdadala naman ang shear line ng maulap na kalangitan, scattered rains at isolated thunderstorms sa Batanes.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash floods at landslides sa mga nabanggit na lugar dahil sa katamtaman hanggang kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.
Posible rin ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng matitinding thunderstorms.
Samantala, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng dagat sa buong bansa. RNT