MANILA, Philippines – Unti unting bumibigat ang mga ebidensya laban kay Vice President Sara Dutertem ayon kay House impeachment prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.
“Sa bawat araw po na dumaraan, ‘yun pong hakbang-hakbang at piece by piece po na pagpapakita ng ebidensya, pabigat po nang pabigat ito eh,”pahayag ni Ridon.
Ibinunyag ni Ridon ang testimonya ng dating Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer (SDO) na si Gina Acosta, na nagpahayag sa Senate impeachment court na direktang nag-utos si Duterte na i-turn over ang P125 milyong confidential funds sa dating OVP security officer na si Col. Raymund Dante Lachica.
Ayon sa testimonya ni Acosta, in-encash niya ang tseke na nagkakahalaga ng P125 milyon noong Disyembre 2022 at ibinigay ito kay Lachica ayon na rin sa direktiba ni Duterte. Kinumpirma rin niya na ang partisipasyon ni Lachica sa paghawak ng pondo ay hindi nakasaad sa mga dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA).
Ayon kay Ridon, sapat na ang pahayag ni Acosta upang patunayan sa panig ng prosekusyon ang maling paggamit ng pondo.
Ang nabanggit na P125 milyon ay ang una sa apat na cash advances na umabot sa kabuuang P500 milyon mula sa confidential funds ng OVP simula Disyembre 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023. Ipinatigil at idineklarang disallowed ng COA ang P73.287 milyon mula sa gastusin ng OVP noong Disyembre 2022 gayundin ang buong P375 milyon para sa unang tatlong quarter ng 2023, na nagkakahalaga ng kabuuang P448.287 milyon.
Sinabi pa ni Ridon na pag-aaralan ng prosekusyon habang umuusad ang paglilitis kung kailangan pa nilang ipatawag si Lachica at si Col. Dennis Nolasco, na nagsilbi namang security officer sa Department of Education (DepEd) nang pamunuan ito ni Duterte.
Inihahanda rin ng prosekusyon ang pagharap ng mga saksi mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) upang busisiin ang mga acknowledgment receipts na ginamit sa pag-liquidate ng pondo. Aniya, magpapatotoo ang PSA ukol sa mga pangalan tulad nina “Mary Grace Piattos” at “Milky Secuya” na hindi makita sa civil registry records.
Samantala, inaasahan ding ibubunyag ng mga NBI forensic document examiners ang resulta ng kanilang pagsusuri sa mga lagda at sulat-kamay sa mga nasabing resibo.
Hinimok din ni Ridon si Duterte na aktibong makibahagi sa paghahanda ng kanyang depensa sa kabila ng pahayag ng Bise Presidente na hindi siya isang abogado sa impeachment trial.
“Tama naman ho na hindi ho siya abogado dito pong impeachment trial, pero siya po ‘yung nasasakdal dito po sa bagay na ito. Siya po ‘yung akusado,” ani Ridon. Gail Mendoza