MANILA, Philippines – Posibleng sa huling bahagi pa ng 2027 makaranas ng makabuluhang pagbangon ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, enerhiya at interest rates, ayon kay Ayala Corp. Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala.
Sa panayam ng ANC sa isang Mastercard event, sinabi ni Zobel na maaaring maging maaga pa ang pag-asang makabawi ang ekonomiya sa pagtatapos ng 2026 o unang bahagi ng susunod na taon.
Ayon sa negosyante, nananatiling malaking hamon sa bansa ang mataas na presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East, gayundin ang presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural.
Dagdag pa niya, maaaring makaapekto sa pamumuhunan at pagpapaunlad ng mga negosyo ang pagtaas ng interest rates.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagal sa 2.1% ang paglago ng ekonomiya noong ikatlong quarter ng 2026.
Umakyat din sa 7.8% ang inflation noong Oktubre mula sa 7.2% noong Setyembre, habang nasa 5.50% ang benchmark interest rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Samantala, iginiit ni Zobel ang kahalagahan ng pagpapalakas sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at pagpapalawak ng access sa serbisyong pinansyal upang suportahan ang pangmatagalang paglago ng ekonomiya.
Hinimok din niya ang bansa na palawakin ang mga industriya bukod sa remittances at business process outsourcing (BPO), kabilang ang turismo at nursing, na aniya ay hindi gaanong lantad sa epekto ng artificial intelligence (AI).
Sa kabila nito, naniniwala si Zobel na dapat yakapin ng mga manggagawa ang AI at gamitin ito upang mapataas ang produktibidad.
Kasabay nito, nagsasanay ang Ayala Group ng humigit-kumulang 1,000 empleyado sa paggamit ng AI bilang bahagi ng pagpapahusay sa operasyon ng kumpanya. Dave Medina